Tiniyak ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na walang dahilan para magtaas ng presyo ng asukal sa ngayon.
Ayon kay SRA Administrator Hermenegildo Serafica, mataas pa ang stock balance ng asukal na umaabot sa 1.1 milyong metriko tonelada.
Batay aniya sa kanilang pag-iikot, mahigit 133,000 metriko toneladang imported na asukal pa ang hindi nagagalaw mula sa mga warehouse.
Dagdag ni Serafica, napakaliit din aniya ng withdrawals ng mga sugar mill kaya halos puno pa rin ang mga warehouse ng mga ito.
Bukod dito, nananatili din aniyang matatag sa 1,450 pesos hanggang 1,550 pesos ang mill gate price ng asukal sa nakalipas na limang taon.
Kaugnay nito, pinagdududahan naman ni Serafica ang mga nagpapakalat ng balita hinggil sa pagtataas ng presyo ng asukal na nais lamang manipulahin ang presyuhan sa mga pamilihan.
—-