Tumaas na naman ng P2 ang presyo ng kada kilo ng asukal sa mga palengke ngayong Linggo.
Ayon sa mga retailer, asahang magtutuloy-tuloy ang pagmahal ng asukal ngayong Hulyo dahil sa patong ng mga biyahero sa transportasyon.
Aabot na sa P67 ang kada kilo ng washed at brown sugar o segunda habang mahigit P90 na ang kada kilo ng refined sugar o primera sa mga pamilihan.
Inihayag naman ng United Sugar Producers Federation of the Philippines (USPFP) na patuloy na tumataas ang presyo sa mga pamilihan dahil hindi umano nakatulong ang importasyon ng asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Noong mga nakalipas na buwan ay nag-angkat ang SRA ng 230,000 metric tons ng asukal upang mapunan ang kakulangan sa supply.
Gayunman, nilinaw ni USPFP President Manuel Lamata na ekslusibo lamang ibinigay ang 4 million bags ng imported sugar sa industrial sector, partikular sa mga beverage manufacturer sa halip na sa public consumer.
Ibinabala ni Lamata na posibleng lumala ang sugar shortage sa susunod na taon dahil ilang producers ang nahihirapan sa pagmahal ng production inputs kaya’t suportado nila ang pag-a-angkat ng karagdagang 230,000 metric tons ng asukal para sa mga palengke at bakery.