Muling nagmahal ang asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila gaya nang nangyari noong isang taon.
Batay sa monitoring ng Department of Agriculture sa Balintawak at Kamuning Markets, sa Quezon City, naglalaro na sa P90 hanggang P110 ang kada kilo ng refined sugar o primera;
P83 hanggang P95 ang kada kilo ng washed sugar o segunda habang P80 hanggang P97 ang kada kilo ng brown sugar.
Halos ganito rin ang presyo noong Setyembre kung saan umabot sa P95 ang kada kilo ng refined; P75 para sa washed habang P70 para sa brown.
Nilinaw ni United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED) president Manuel Lamata na hindi naman ang mga nagtatanim ang nagpapataas ng presyo kundi ang mga trader at retailer.
Maaari lamang anyang mapababa ang presyo kung magmumura ang gastos, gaya sa krudo na dapat bumaba ng P40 kada litro at pataba na dapat ibalik naman sa P800.
Sa ngayon, ang millgate price ay nasa P70 hanggang P75 per kilo ng white sugar at P60 hanggang P65 kada kilo para sa brown.