Tumaas ang presyo ng asukal dahil sa kakulangan ng produksyon nito.
Ayon kay Sugar Regulatory Administration Chief Hermenegildo Serafica, mas mababa 15 porsyento ang naging sugar production kumpara sa inani noong nakaraang taon.
Wala rin aniyang kinalaman ang TRAIN o Tax Reform Acceleration and Inclusions Law sa pagtaas bagkus ay ang mataas na demand sa asukal at pananamantala ilang negosyante.
Sa ngayon, naglalaro sa 46 hanggang 54 pesos kada kilo ang brown sugar habang ang refined sugar ay 64 pesos kada kilo.
Pag-angkat ng asukal sa ibang bansa, balak ng gobyerno
Inanunsyo ni Sugar Regulatory Administration o SRA Administrator Hermenegildo Serafica na pinagpaplanuhan na nila ang mag-angkat ng asukal sa ibang bansa.
Ayon kay Serafica, bunsod ito ng walang humpay na pagsirit ng presyo ng raw at refined sugar na dulot ng pagbaba ng produksyon nito ngayong taon.
Base sa impormasyon, nagsimulang lumobo ang presyo ng raw o brown sugar sa P54.15 kada kilo noong Hunyo 19, mula sa dating P47.00, habang tumaas naman sa P64.00 ang halaga ng refined sugar mula sa dating P53.00.
Pahayag ni Serafica, isa lamang ang sugar importation sa mga nakikita nilang paraan upang mapababa ang presyo ng asukal sa buong bansa.
Napag-alamang bumaba sa 15 percent ang local sugar production ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon.
Samantala, tumaas naman ang pangangailangan ng raw at refined sugar ng 13.64 at 20.41 percent matapos na patawan ng P12.00 per liter tax ang mga alak at matatamis na inumin sa ilalim ng TRAIN Law.
(Jopel Pelenio)