Tumaas narin ang presyo ng bangus at ilan pang uri ng isda sa mga pamilihan partikular na sa Metro Manila.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Marikina Public Market, tumaas na sa P200 hanggang P230 ang kada kilo ng bangus habang naglalaro naman sa P140 hanggang P160 ang kada kilo ng tilapia.
Mula naman sa dating P40 pesos, tumaas na sa P60 pesos ang kada kalahating kilo ng tawilis.
Sa Blumentritt market sa Maynila, tumaas naman ng P20 ang medium-sized na bangus na dati ay P180 kada kilo, na ngayon ay pumalo na P200 ang kada kilo.
Mabibili naman ang tilapia sa halagang P130 kada kilo mula sa dating P100; yellowfin tuna na dating P200 kada kilo na ngayon ay nasa P260 na ang kada kilo.
Ang salmon naman na mabibili dati ng P120 hanggang P130 per kilo ay nasa P180 na ngayon.
Makakabili naman ng galunggong sa halagang P200 kada kilo mula sa dating P160.
Samantala sa magsaysay fish market, ang mga ibinebentang malaking bangus tinatayang nasa P150 hanggang P160 per kilo; habang ang malilit naman nito ay nagkakahalaga ng P110 kada kilo.
Ayon sa ilang fish vendor, lumiit ang kanilang panindang bangus dahil sa epekto ng malamig na panahon pero inaasahan na sisirit pa ang presyo nito maging ng iba pang uri ng isda sa mga susunod na araw.