Nakiusap si Agriculture Secretary Manny Piñol sa publiko na huwag nang masyadong bigyang pansin ang mataas na presyo ng bigas.
Hindi masabi ni Piñol kung bakit nag-uunahan ang mga rice trader sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka sa mataas na halaga gayung sapat naman ang supply at walang rice shortage.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na napakataas ng presyo ng palay na isang malaking tulong para sa mga magsasaka.
“’Yung nagrereklamo ng mataas na presyo ng bigas may NFA rice naman na available eh P27, kung tingin niyo na masyadong mabigat sa bulsa ang presyo ng commercial rice, the government is there, ‘yun po ang option, natatawa nga po ako diyan kasi ‘yung iba nating kababayan nagrereklamo na mataas ang presyo ng bigas pero ang binibiling bigas ay ‘dinorado’, ‘milagrosa’, ‘yung fancy rice, ang sabi ko parang nagrereklamo ka sa pamasahe ng taxi na mahal pero ang gusto mong taxi ay Mercedes Benz.” Ani Piñol
Binigyang diin ni Piñol na hindi naman permanente ang mataas na presyo ng bigas.
Sigurado aniya na bababa ang presyo ng bigas sa sandaling lumusot sa Kongreso ang panukalang tariffication kung saan papatawan ng halos 40 porsyentong taripa ang mga imported na bigas.
“Open nang pumasok ang imported na bigas ngayon, at doon sa proposed tariffication bill ang suggested tariff ay 40 percent, kung halimbawa 2 milyong metriko tonelada ang i-import next year at 40% tariff, ang makokolekta po next year ay P21.6 billion, kapag ibibigay ‘yan sa rice industry, ibibigay ko nang libre ang binhi sa mga magsasaka which will allow him to double his production, mamimigay tayo ng mga abono at ibang makinarya.” Pahayag ni Piñol
Epekto ng TRAIN sa presyo ng bigas
Isinisi ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sa Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay Rosendo So, Chairman ng SINAG, mula sa dating dalawampu’t anim na piso (P26) kada litro sa pareho ring buwan noong nakaraang taon ay umaabot na sa kwarenta pesos (P40) ang kada litro ng diesel na ginagamit sa mga traktora at iba pang gamit sa pagsasaka.
Dahil dito, hindi aniya maiiwasan na tumaas ang presyo ng palay na ngayon ay umaabot na sa bente singko (P25) hanggang P26 ang kilo.
“’Yung itinaas last year tsaka this year na P15 ay nandun pa rin, almost 50 percent ng price ang itinaas so ang intervention na mabuti siguro it to subsidize the farmers doon sa fuel price.” Pahayag ni So
Iginiit ni So na suporta mula sa pamahalaan ang kailangan ngayon ng mga magsasaka upang mapababa ang presyo ng bigas.
Binatikos ni So ang anya’y plano ng pamahalaan na mag-angkat ng aabot sa 3 milyong metriko tonelada ng bigas.
“Kailangan i-tariffy talaga natin wala na tayong way, pero ang sinasabi ko lang huwag nating i-focus na kailangan ang importation pa rin ang solusyon, ang dapat na solution ay ang suporta sa ating mga local farmer, kung makikita ng other country na ang Pilipinas malaki ang kailangang rice, kailangan ng malaking procurement, so itataas nila ang presyo.” Dagdag ni So
(Tolentino Online Interview )