Halos maubos na ang P37 – P39 na kada kilo ng bigas sa mga pamilihan, lalo sa Metro Manila.
Ito, ayon sa grupong bantay bigas, ay bunsod ng halos linggu-linggong pagtaas ng presyo ng bigas simula pa noong Abril bunsod na rin ng hindi mapigilang pagmamahal ng farmgate price ng palay.
Sinabi ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo na P40 na ang presyo ng pinaka-murang kada kilo ng bigas sa mga pamilihan, gaya sa Quezon City.
Dahil anya rito ay tila malabo pang makamit ang pangako ni Pangulong “Bongbong” Marcos at pangarap ng bawat mahihirap na pinoy na mapababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Binigyang-diin ni Estavillo na kailangan munang mapigilan ang pagsirit ng presyo ng palay sa harap nang pambabarat ng mga trader sa mga magsasaka.
Batay sa datos ng Department of Agriculture, nasa P23 na ang kada kilo ng farmgate price ng palay mula sa dating P20 kaya’t posibleng magmahal pa ang bigas sa mga susunod na araw.
Dapat din anyang ibasura na ang rice liberalization law na sanhi ng pagbaha ng imported rice sa bansa kaya’t hanggang ngayon ay hindi pa rin nagmumura ang bigas.