Bumaba ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila dahil umano sa mas malayang importation sa ilalim ng rice tarrification law na sinabayan ng anihan ng mga magsasaka.
Sa Mega Q-Mart at kamuning market sa Quezon City, nasa P35 na ang kada kilo ng local regular milled rice mula sa dating P38 habang ang local well milled, P40 hanggang P44 kada kilo mula sa dating P42 hanggang P46; local premium grade rice, P46 hanggang P47 kada kilo mula sa dating P47 hanggang P48 at imported premium grade rice, P47 na lang mula sa dating P48 kada kilo.
Naglalaro naman sa P47 hanggang P60 ang special rice mula sa dating P50 hanggang P65 kada kilo.
Samantala, nakapako sa P27 ang kada kilo ng NFA rice sa mga nasabing pamilihan.
Presyo ng bigas posibleng tumaas dahil sa El Niño
Nanganganib tumaas ang presyo ng bigas dahil sa epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.
Ito ang pangamba ng grupong magsasaka at siyentipiko para sa pag-unlad ng agrikultura o masipag sa kabila ng pagbaba ng presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ayon kay Cris Panerio, national coordinator ng Masipag, sisikaping isalba ng mga magsasaka ang kanilang ani na nangahulugang gagastos sila nang malaki sa krudo upang ma-ibyahe ang kanilang mga produkto.
Kinontra naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol at iginiit na hindi maaaring magmahal ang bigas dahil stable ang supply nito at marami ang inangkat.
Sa pinakahuling tala ng Department of Agriculture (DA), sumampa na sa mahigit P5 billion ang halaga ng pinsala ng El Niño sa agri-sector partikular sa palay at mais.
—-