Humataw ang presyo ng bigas sa Marawi at Iligan City kabila ng pag-iral ng price freeze dahil sa idineklarang martial law sa mindanao.
Ayon kay Provincial Crisis Management Committee Spokesman Zia Alonto Adiong, ang dating dalawang libong piso (P2,000.00) kada sako ay mabibili na ngayon ng lima hanggang anim na libong piso (P5,000.00 – P6,000.00).
Kung hindi ito maso-solusyunan ay malaki aniya ang posibilidad na magkaroon ng kakulangan sa mga relief goods para sa mga evacuees.
Kaugnay nito ay umapela si Adiong sa mga negosyante na maging responsible at hindi samantalahin ang krisis.
Matatandaang umatake sa Marawi ang Maute Group na nagtulak naman sa Pangulo na magdeklara ng batas militar sa rehiyon.
Pagtaas ng presyo ng bigas sa Mindanao itinanggi ng Palasyo
Itinanggi ng Malacañang na tumaas ang presyo ng bigas sa Mindanao partikular sa Marawi City sa kabila ng ipinatupad na price freeze ng pamahalaan.
Kasunod na rin ito ng ulat na umabot umano ng hanggang anim na libong piso (P6,000.00) kada sako ang presyo ng bigas sa lugar na pinangyarihan ng bakbakan ng mga sundalo at mga terorista.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa Mindanao Hour noong Biyernes na agad nag-check ang Department of Trade and Industry (DTI) at pinabulaanan ang ulat.
Matatandaang matapos magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao ay nagpatupad agad ang DTI ng price freeze sa mga pangunahing bilihin para hindi magsamantala ang mga negosyante sa sitwasyon.
Tatagal ng 60 araw ang price freeze alinsunod sa nakasaad sa martial law declaration.
Sinabi ni Abella na mahigpit na nakamonitor ang DTI sa galaw ng mga presyo ng mga bilihin sa Mindanao lalo na sa lugar kung saan may problema sa peace and order.
Nakabantay din aniya ang mga otoridad para hindi maapektuhan ang distribusyon ng mga relief goods sa mga naapektuhang residente.
By Rianne Briones