Ibinabala ng BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas na may posibleng pagtaas sa presyo ng mga bilihin ngayong buwan ng Setyembre.
Ito’y ayon sa BSP ay bunsod na rin ng epekto ng nagdaang malakas na Bagyong Ompong na nanalasa sa malaking bahagi ng Luzon gayundin sa ilang bahagi ng Visayas.
Ayon kay BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo na batay sa ulat ng Department of Agriculture, aabot sa mahigit 14 bilyong piso ang naging pinsala sa sektor ng agrikultura ng bagyo.
Magugunitang nitong buwan ng Agosto lamang, pumalo sa 6.4 percent ang inflation rate subalit posible na aniyang bumaba ito at mapako mula dalawa hanggang apat na porsyento pagsapit ng susunod na dalawang taon.
Umaasa naman si Guinigundo na mapapagaan na ang epekto ng inflation ng mga ginawang hakbang ng administrasyon para tutukan ang presyuhan ng bigas at pinasimpleng reglamento sa importasyon nito.