Patuloy ang paglobo mula P10 hanggang P100 ng presyo ng mga bulaklak sa Dangwa flower market sa Sampaloc, Maynila.
Kasunod na rin ito nang pagtaas din ng demand sa bulaklak o mga bumibili ng bulaklak, dalawang araw bago ang paggunita sa Araw ng mga Patay.
Kabilang sa mga mabentang bulaklak ang asters na dumoble ang presyo mula sa datingP100, stargazers na nasa P180 mula sa dating P130 kada stem, gerberas na P250 na mula P180 kada bundle at Malaysian mums na dating P170 kada bundle ay nasa P180 na.
Samantala, ang carnation ay P250 na kada bundle mula sa dating P180, white orchids na dating P480 ay naging P550 na at violet orchids na P550 na ngayon kada bundle mula sa P450.
Wala pa namang pinagbago ang presyo ng rosas na nasa P250 kada dosena noon pang Sabado.
Sinabi ng mga vendor na posibleng tumaas pa ang presyo ng mga bulaklak depende sa arrangement na nais ng mga bumibili.
Inaasahan namang aakyat pa ang presyo ng bulaklak at dadagsa pa ang mga mamimili nito sa mga susunod na araw o hanggang sa mismong Araw ng mga Patay sa November 1.
—-