Obligado na sina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na isapubliko ang presyo ng binibiling bakuna ng gobyerno.
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon basta aniya mayroon silang nilagdaang term sheet sa supplier ng bakuna.
Ani Drilon, kapag mayroong term sheet, nakapaloob na dito ang supply agreement at presyo ng biniling bakuna.
Dahil dito, hindi na umano maaaring ikatwiran nina Galvez ang “confidentiality agreement” kapag kinuwestiyon ang presyo.
Iginiit din ng senador na kaparatan ng publiko na malaman ang mga impormasyon ukol sa mga pinapasok na transaksyon ng gobyerno at ito aniya ay nakasaad sa batas.
Kaugnay nito, posibleng magkaroon ng pananagutan ang ilang kinauukulang opisyal ng pamahalan sakaling igiit pa rin ng mga ito na itago ang presyo ng binibiling mga bakuna lalo’t ito’y napatunayang kuwestyunable ang proseso.