Pumalo sa halos P90 ang kada litro ng diesel sa Daet, Camarines Norte kasunod ng pagpapatupad ng mahigit anim na pisong taas-singil sa presyo ng produktong petrolyo nito lamang Martes.
Dahil dito, lalong umaaray ang mga tricycle driver at iba pang tsuper dahil sa mataas na singil ng ilang kumpaniya ng langis.
Ayon sa mga trike driver, hanggang ngayon kasi ay hindi parin nila natatanggap ang fuel subsidy na ipinangako sa kanila ng national government.
Una nang inihayag ni Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, na malaki ang posibilidad na magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sakaling hindi i-atras ng organization of petroleum exporting countries o opec ang bantang bawasan ng dalawang milyong bariles kada araw ang kanilang oil production sa susunod na buwan.