Nananatiling mataas ang presyo ng galunggong sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Batay sa monitoring system ng Department of Agriculture, naglalaro sa ₱240 hanggang ₱320 kada kilo ang presyo ng galunggong.
Pinakamahal na naitala ng DA ang presyo ng galunggong sa Mandaluyong Public Market na nagkakahalaga ng ₱300 hanggang ₱320 kada kilo.
Namonitor din ng DA na mula sa 26 na palengke sa Metro Manila, 15 palengke ang hindi nagbebenta ng galunggong.
Ayon sa ilang nagtitinda ng galunggong sa Muñoz Market, mataas pa rin ang singil sa isda ng kanilang mga supplier na nasa ₱200 hanggang ₱240 kada kilo.
Katwiran naman ng kanilang mga supplier, na ang dahilan ng pagtaas ng presyo sa isda ay dahil sa matataas ang alon sa dagat bunsod ng umiiral na Amihan season sa bansa.
Ito umano ang dahilan kaya hindi nakakapalaot ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.
Matatandaang naglalaro lang sa ₱150 hanggang ₱180 ang kada kilo ng galunggong noong mga nakaraang taon at mukhang malabo na itong maibalik sa dating presyo. - sa panulat ni Jeraline Doinog mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)