Inaasahang bababa ang presyo ng mga gulay na magmumula sa Benguet kapag naging normal na ang panahon sa lalawigan.
Sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairperson Rosendo So na may bahagyang pagtaas sa presyo ng gulay nitong mga nakaraang linggo dahil sa pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.
Batay sa pinakabagong price monitoring ng Department of Agriculture, sa mga highland vegetables, ang repolyo ay nagkakahalaga ng P70 hanggang P120 kada kilo; carrots sa halagang P60 hanggang P120 kada kilo; baguio beans sa halagang P80 hanggang P120 kada kilo; puting patatas sa halagang P90 hanggang P130 kada kilo; pechay baguio sa halagang P60 hanggang P100 kada kilo; at sayote sa halagang P40 hanggang P80 kada kilo.
Sa lowland vegetables naman, ang ampalaya ay nagkakahalaga ng P60 hanggang P120 kada kilo; string beans sa halagang P70 hanggang P120 kada kilo; pechay tagalog sa halagang P60 hanggang P120 kada kilo; kalabasa sa halagang P25 hanggang P60 kada kilo; talong sa halagang P50 hanggang P100 kada kilo; at kamatis sa halagang P35 hanggang P70 kada kilo.
Sa pagtatapos ng Mayo, ilang magsasaka sa La Trinidad, Benguet ang napilitang anihin ng maaga ang kanilang mga pananim dahil sa mga pag-ulan na dala ng bagyong Betty upang maiwasan ang pagkasira.
Nauna nang pinayuhan ng DA-Cordillera ang mga magsasaka na magsagawa ng forced harvest dahil sa banta ni Betty. Sinabi ng ahensya na nananatiling sapat ang supply ng highland vegetables dahil sa kasalukuyan ay may 2, 287 metric tons ng ani na magagamit para sa kalakalan.