Bahagyang tumaas ang presyo ng mga gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila dahil sa nararanasang pag-ulan bunsod ng masamang panahon.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Marikina Public Market, sumampa na sa P35 ang dating P28 sa kada kalahating kilo ng Sayote.
Mula sa dating P60 na kada kilo ng luya, sumampa na ito sa P80 per kilo; P160 naman ang kada kilo ng Sibuyas; P145 ang per kilo ng Patatas; P90 sa kada kilo ng Talong; ang Sitaw ay nasa P40 kada kilo.
Nasa P30 naman ang kada isang piraso ng Patola; okra na nasa P55 per kilo; Kamatis na nasa P65 – P85 kada kilo; habang P80 naman hanggang P95 ang per kilo ng Repolyo.
Maaari namang makabili ng tingi-tinging kalamansi, siling pula at green, maging ng bawang na mabibili mo lang sa halagang P20 kada balot.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture, pumalo na sa mahigit P50 ang itinaas sa kada kilo ng gulay ngayong linggo.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Kristine Evangelista, ang pagtaas ng presyo ng mga gulay ay bunsod ng pagtama ng bagyong dodong at umiiral na hanging habagat kung saan, nagiging mahina ang anihan ng mga magsasaka.
Bukod sa Marikina, kabilang sa mga palengkeng nagtaas din ng presyo sa kanilang agricultural products, ang Commonwealth, Guadalupe, Las Piñas, Malabon, Mega Q-Mart, Muntinlupa, Muñoz, Pasay, Pasig, Pritil, Quinta, at San Andres Market.