Tumaas naman ng bente pesos (P20) ang presyo ng kada kilo ng bangus na isinisisi ng mga tindero sa kakulangan ng supply.
Sa Mega Q-Mart sa Quezon City, nasa 150 hanggang 160 pesos na ang presyo ng kada kilo ng bangus mula sa dating 130 hanggang 140 pesos.
Magugunitang nalubog sa baha bunsod ng malakas na ulang dala ng habagat at magkakasunod na bagyo ang ilang bahagi ng pangasinan na nangunguna sa produksyon ng bangus.
Gayunman, itinanggi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Eduardo Gongona na may kakulangan sa supply ng bangus.
Ayon kay Gongona, kahit libu-libong bangus ang namatay ay may iba pa ring lugar na mapagkukuhanan ng supply gaya sa Batangas at Iloilo.
Isa aniya sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng bangus ay ang pagtaas ng presyo ng galunggong.
Presyo ng ilang gulay tumaas rin
Sumirit na rin ang presyo ng siling labuyo sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ito’y dahil umano sa mababang produksyon mula sa Northern at Central Luzon matapos ang paghagupit ng habagat at magkakasunod na bagyo.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Mega Q-Mart sa Quezon City, umabot na sa 900 pesos ang kada kilo ng siling labuyo habang sumasampa na sa hanggang 1,000 pesos ang kada kilo nito sa malabon kumpara ito sa dating 400 hanggang 700 pesos.
Tumaas din ang presyo ng ilan pang gulay tulad ng carrots na 160 pesos na ang kada kilo mula sa dating 80 pesos; repolyo, 150 mula sa dating 100 pesos at broccoli, 400 mula sa dating 200 pesos.
—-