Asahan na ang panibagong dagdag-presyo sa ilang pangunahing bilihin ngayong buwan.
Sa tansa ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), lima hanggang sampung porsyento ang itataas ng ilang brand ng sardinas, meat loaf, kape, evaporated milk, suka, asukal at instant noodles.
Aminado si PAGASA President Steven Cua na nangangamba sila na patuloy na tumaas ang presyo o magkaroon ng “runaway inflation”.
Marami pa anyang manufacturer ng mga produktong may suggested retail price ang humihirit ng price increase sa Department of Trade and Industry (DTI).
Gayunman, nilinaw ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na pinag-aaralan pa ang panibagong hiling na dagdag-presyo sa gitna ng walang prenong oil price increase.
Tiniyak naman ng DTI na hindi na nila aaprubahan ang mga bagong hirit na increase dahil ipauubaya na nila ito sa papasok na administrasyon.