Pinayagan na ng DTI o Department of Trade and Industry ang ilang manufacturer na mag-adjust ng presyo bunsod na rin ng epekto ng sunud-sunod na oil price hike nitong nakalipas na mga linggo.
Ito ang nagtulak sa kagawaran na maglabas na ng kanilang SRP o Suggested Retail Price sa ilang mga pangunahing bilihin sa mga pamilihan epektibo simula pa kahapon.
Dahil dito, tumaas ng singkuwenta sentimos hanggang piso ang presyo ng may apat na brand ng sardinas habang nasa beinte hanggang kuwarenta’y singko sentimos naman ang iminahal ng kada pakete ng instant noodles, toyo at suka.
May paggalaw na rin sa presyo ng ilang brand ng bottled water habang may tatlumpung sentimos na umento ang kada pakete ng isang brand ng sabon.
Mga magsasamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kakastiguhin
Tiniyak ng DTI o Department of Trade and Industry na babantayan nila ang mga negosyanteng posibleng magsamantala.
Ito’y makaraang maglabas na sila ng SRP o Suggested Retail Price sa ilang pangunahing bilihin bunsod na rin ng mahal na presyo ng langis.
Babala ni DTI Sec. Ramon Lopez, ipaghaharap nila ng kaso ang sinumang mahuhuli nilang negosyante na magpapatupad ng overpricing sa kanilang produkto.
Hinikayat naman ni Lopez ang publiko na isumbong sa kanila kung may mga produktong lalampas sa SRP tulad ng sardinas, instant noodles, toyo, suka, sabon at inuming tubig.
Kasunod nito, siniguro ni Lopez na wala silang nakikitang pagtaas sa presyo ng mga produkto sa susunod na buwan lalo’t magsisimula na ang klase sa mga paaralan.