Tumaas ang presyo ng ilang gulay at isda sa mga pamilihan.
Ito’y bunsod ng bahagyang pagtaas ng inflation rate sa 1.9 percent noong Hunyo ng kasalukuyang taon kumpara sa 1.6 percent noong Mayo 2016, base sa report ng Philippine Statistics Authority.
Sa Balintawak Market sa Quezon City, P45 kada kilo ang kamatis mula sa dating P40 habang ang isdang hasa-hasa ay P120 kada kilo mula sa dating P100.
Sa Mega-Q Mart, P5-P10 ang itinaas ng mga isdang-dagat gaya ng galunggong na P100 na ang kada kilo; galunggong, P90 at hipon, P320 mula sa dating P280.
Gayunman, nilinaw ng mga vendor na walang dapat ipangamba sa ngayon dahil sunud-sunod naman ang dating ng kanilang mga supply mula sa iba’t ibang lalawigan.
Oil price rollback
Samantala, magtatapyas naman ng presyo sa kanilang mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis ngayong linggong ito.
Ayon sa Department of Energy (DOE), maglalaro sa P0.80 hanggang P0.90 ang tapyas presyo sa kada litro ng gasolina.
Habang P0.05 na tapyas o posibleng hindi na magpatupad ng rollback sa presyo ng diesel at kerosene.
Ayon sa DOE, sobra-sobra ang suplay ng gasolina habang may maliit na paggalaw naman sa presyo ng diesel at kerosene sa World Market.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala