Posibleng tumaas ang presyo ng mga de lata, noodles, gatas at iba pa sa unang bahagi ng 2023.
Ito ang kinumpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo na tinatayang nasa 50-70 na mga produkto ang magtataas ng presyo pagsampa ng 2023 dahil na rin sa matagal na kahilingan ng manufacturers.
Ayon kay Castelo, inilabas ng DTI ngayong holiday season ang pagtaas ng mga produkto dahil ayaw nilang madagdagan ang gastos ng mamamayan ngayong panahon ng kapaskuhan.
Aniya, noong Hunyo at Hulyo pa nangungulit ang mga manufacturer na magtaas sa presyo ng kanilang mga produkto kung saan masusing pinag-aaralan ito ng DTI.
Binigyang-diin ng opisyal na 30% lamang ng mga produkto ang tataas at mas marami pa rin ang hindi gagalaw ang presyo kaya may pagpipilian ang consumers.
Inihayag pa ni Castelo na bukod sa mga nabanggit na produkto, mayroon ding mga manufacturer na humiihirit ng umento ng kanilang produkto gaya ng kandila at non-essential items.