Namemeligrong tumaas ang presyo ng imported na karneng baboy simula sa Enero ng susunod na taon.
Ito ang ibinabala ng grupo ng mga importer ng karne na Meat Importers And Traders Association (MITA) dahil mapapaso na sa disyembre ang Executive Order 134 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinatupad ang naturang kautusan noong 2021 upang mapababa ang taripa sa imported na karne at dahil dito ay naging 5 hanggang 15% lang ang taripa mula sa 30 hanggang 40%.
Ayon kay MITA President Emeritus Jesus Cham, tataas nang 15% ang presyo ng imported na karne ng baboy o katumbas ng hanggang P30 na dagdag kung mapapaso ang E.O. 134.
Umaapela naman sina Cham kay Pangulong Bongbong Marcos, na kalihim ng Department of Agriculture, na palawigin ang paniningil ng mas mababang taripa bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Tutol naman sa naturang hakbang ang Pork Producers Federation of the Philippines o pro-pork at nanawagan kay Pangulong Marcos na pakinggan sila sa pagkakataong ito.
Iginiit ni Pro-Pork Vice President Nicanor Briones na kung hindi mahabol ng local hog raisers ang mababang presyo ng imported na karne, mapipilitan ang ilan na tumigil sa pagbababoy at maaapektuhan ang supply sa bansa.
Ipinunto ni Briones na mas dapat tulungan ang mga local hog raiser sa halip na tangkilikin ang mga imported na karne.