Muling umalagwa ang presyo ng itlog at manok sa ilang pamilihan, lalo sa Metro Manila sa gitna nang manipis na supply at tumaas na demand noong holiday season.
Batay sa monitoring ng Department of Agriculture, P180 hanggang P220 na ang kada kilo ng poultry products, gaya ng manok sa Metro Manila kumpara sa P145 hanggang P180 kada kilo noong Disyembre.
Halos ganito rin ang presyo ng manok sa pag-iikot ng DWIZ sa ilang palengke, tulad sa Balintawak, Divisoria, Pasig at Marikina.
Ayon kay United Broiler Raisers Association (UBRA) chairman Gregorio San Diego, kaunti lang kasi ang nag-alaga ng manok at medyo naubos ang supply noong holiday season kaya’t nagmahal ngayong Enero.
Mas tinatangkalik din anya ang manok dahil mas mura pa rin naman ito kumpara sa baboy na nasa P400 na ang kada kilo matapos ang bagong taon kumpara sa P300 hanggang P350 kada kilo noong Disyembre.
Inihayag naman ng Philippine Egg Board Association na nabawasan din ang produksyon ng itlog sa bansa dahil sa mas mataas na operating expenses ng breeders bunsod ng nagmahal na sisiw at patuka.
Naglalaro sa P6.40 hanggang P7 ang farmgate price ng medium-sized na kada piraso ng itlog kaya’t nasa P8 hanggang P9 na ang retail price nito.
Ipinaliwanag ni San Diego na maraming gumawa ng cake, leche flan at iba pang dessert noong holiday season kaya’t tumaas ang demand sa itlog kahit hindi naman ganoong karami ang supply.