Tumaas na ng P10 ang presyo ng itlog kada tray sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Kabilang sa mga dahilan ang pagnipis ng supply dahil sa bird flu outbreak, partikular sa Central Luzon.
Halimbawa na lamang sa Balintawak Market sa Quezon City, naglalaro na sa P210 hanggang P250 ang kada tray ng itlog mula sa dating P185.
Ayon kay Philippine Egg Board Association president Irwin Ambal, asahan ang patuloy na pagmahal ng itlog sa Disyembre dahil sa mataas na demand kapag holiday season.
Kumukuha na anya ang mga taga-Central Luzon ng supply ng itlog sa Batangas na isinu-supply din sa Metro Manila.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Department of Agriculture Deputy spokesman Rex Estoperez na karaniwan namang bumababa ang supply ng itlog tuwing tag-lamig.
Imposible anyang i-hoard pa ang itlog at tiyak na ilalabas din naman ang mga ito dahil mabubugok.