Tumaas pa ng 30 pesos kada kilo ang presyo ng karneng baboy at manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila sa gitna ng namemesteng African Swine Fever (ASF) at bird flu outbreaks.
Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines Incorporated vice president Nicanor Briones, inaasahan na nilang bahagya pang tataas ang presyo ng karne ng manok at baboy dahil lumalakas ang demand.
Gayunman, hindi naman anya marami ang karagdagang supply dahil mayroon pa ring banta ng ASF at bird flu.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Balintawak Market sa Quezon City at Divisoria sa Maynila, naglalaro na sa 330 hanggang 360 pesos ang kada kilo ng kasim at pigue;
Liyempo, 400 hanggang 420 pesos mula sa dating 380 habang ang isang buong manok ay 210 hanggang 220 pesos kada kilo na halos kaparehas na ng presyo sa supermarket.
Sa kabila nito, muling tiniyak ng Department of Agriculture na walang shortage ng supply ng karneng baboy at manok.