Sisikaping mapababa ang presyo o halaga ng karneng baboy sa mga pamilihan sa kabila ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.
Ito ang inihayag ni Chester Warren Tan, Pangulo ng National Federation of Hog Farmers Incorporated kung saan, makikipagtulungan sila sa Bureau of Animal Industry at National Meat Inspection Service para mapagaan ang presyo ng karneng baboy.
Ayon kay Tan, bumaba ng P10 hanggang P15 ang farm gate price ng baboy pero patuloy na pumapalo sa P380 hanggang P400 ang presyo sa kada kilo ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Iginiit ni Tan, na hindi dapat nararanasan ng mga mamimili ang mataas na presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan dahil mababa ang farm gate price nito.
Sinabi ni Tan na dapat ang presyo sa kada kilo ng baboy ay maglalaro lamang sa P350 hanggang P360.
Kumpiyansa si Tan na kaya tumaas ang presyo ng karneng baboy sa merkado ay dahil sa mataas na singil sa toll gate, mataas na presyo ng langis, at mga gastusin ng traders na kailangang mabawi sa kanilang mga kita.