Pumalo na sa 99 dollars at 50 cents ang presyo ng Brent Crude Oil sa international market sa harap ng lumalaking posibilidad ng pag-atake at tuluyang pagsakop ng Russia sa Ukraine.
Ito na sa ngayon ang pinaka-mataas na presyo ng nabanggit na International Benchmark Crude sa nakalipas na mahigit pitong taon, na posibleng sumirit pa sa mahigit 100 dollars sa mga susunod na araw.
Sumampa naman sa 96 dollars per barrel ang US West Texas Crude kumpara sa 92 dollars noong isang linggo habang ang Dubai Crude, na kino-konsumo sa Asian Markets gaya sa Pilipinas, ay umakyat na sa mahigit 90 dollars per barrel mula sa 87 dollars, noong isang linggo.
Sakaling mauwi sa digmaan ang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia ay mamemeligrong lumobo pa ang presyo ng krudo sa global market.
Ang Russia ang pinaka-malaking natural gas at oil supplier ng Europa at 10% naman sa buong mundo.
Samantala, umapela na ang Organization of the Petroleum Exporting Countries sa kanilang mga miyembro na damihan pa ang supply upang matiyak na sapat para sa global consumer.