Nanganganib sumirit sa otso hanggang dose pesos ang kada litro ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kung hindi huhupa ang price increase sa international market.
Sa hearing ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee sa Kamara, inihayag ni Jesus Suntay, President at CEO ng Cleanfuel Group of Companies na umakyat na sa 124 dollars ang kada bariles ng Dubai Crude.
Ang Dubai Crude anya ang pangunahing oil product na inaangkat ng Pilipinas mula United Arab Emirates at kung aalagwa pa ang presyo nito ay tiyak na mayroon itong epekto sa local oil industry.
Dahil dito, posibleng sumampa sa 12 pesos 72 centavos ang dagdag sa kada litro ng Diesel habang 8 pesos 28 centavos sa Gasolina sa susunod na linggo.
Batay ito sa Mean of Platts Singapore (MOPS), na ginagamit ng local oil industry sa daily average ng lahat ng trading transactions sa pagitan ng mga buyer at seller ng petroleum products.
Gayunman, ang mga nasabing price adjustment ay naka-depende pa sa trading results sa susunod na apat na araw.