(Updated)
Tumaas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Ito ay matapos lumabas ang ulat na plano ng Organization of Petroleum Exporting Countries o OPEC na bawasan ang suplay nito sa merkado.
Ayon kay Russian Energy Minister Alexander Novak, partikular na sumipa ang presyo ng brent crude na itinuturing na batayan pagdating sa presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan .
Umakyat sa 35.82 dollars ang kada bariles ng brent crude.
Una rito, iminungkahi ng Saudi Arabia sa 12 kasapi ng OPEC na magbawas ng hanggang 5 porsyento ng produksyon ng langis upang palakasin ang presyo nito sa World Market.
*****
Oil Companies
Samantala, ipinasisilip na ng grupong 1-Utak sa gobyerno ang libro ng mga oil company.
Ito’y makaraang makulangan ang naturang transport group sa rollback sa mga produktong petrolyo dahil tila hindi lahat ng bawas sa presyo sa World Market ay ipinapasa ng mga kumpanya sa mga consumer.
Bagaman malaki na ang itinapyas sa presyo ng krudo simula Enero 1, nagbabadya na naman ang isa pang oil price hike sa susunod na linggo base sa unang tatlong araw ng trading sa World Market.
Wala pang opisyal na pahayag ang Department of Energy pero dumipensa ang ilang oil company sa pagsasabing hindi naman lahat ay ibinibigay kapag may panahong mataas ang presyo ng langis.
Hindi rin umano napapanahon ang hirit ng 1-Utak dahil magkakaroon na ng bagong administrasyon kaya’t dapat magpasa na lamang ng batas upang maging flexible ang Value Added Tax.
Nangangahulugan ito na mas mababa ang VAT kung mataas ang presyo ng imported na krudo at tataas naman kung mura ang presyo tulad ngayon.
By Drew Nacino | Ralph Obina