Naniniwala ang grupo ng mga power producer sa bansa na kakakayaning ibaba muli ang uma-alagwang singil sa kuryente sa pamamagitan ng implementasyon ng ilang hakbang na magpapahintulot sa mas maraming power generators at investors na pumasok sa local market.
Inihayag ng Philippine Independent Power Producers Association (PIPPA) na maaari ring tapyasan ang power costs kung tutugunan ang transmission connection at congestion issues, papaspasan ang transmission projects at pagresolba sa right-of-way issues.
Ayon kay PIPPA President, Atty. Anne Estorco-Montelibano, ang Cebu-Negros Power Interconnection ang nag-lilimita sa daloy ng kuryente mula Negros-Panay patungong Cebu at iba pang bahagi ng Visayas at Luzon, na nagreresulta sa 50 hanggang 90 megawatt na kakulangang supply.
Dapat din anyang makumpleto ang Cebu-Magdungo 230 kilovolt line; Bataan transmission lines mula Mariveles hanggang New Hermosa; New Hermosa hanggang San Jose at TUY Substation Project.
Bukod dito, isinulong ng PIPPA ang Mindanao-Visayas Interconnection Project upang magamit ng ibang rehiyon ang oversupply ng kuryente sa Mindanao, lalo’t lumalaki ang demand sa Luzon at Visayas.