Tumaas ng P4.00 ang presyo ng manok habang nasa P20 naman ang pagtaas sa presyo ng isda sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ayon sa report, pumapalo na sa P135 ang kada kilo ng manok sa Mega Q Mart sa Quezon City.
Beinte pesos (P20) naman ang itinaas ng galunggong na kasalukuyang nasa P160.
Gayundin ang bangus na nasa P140 na ang malaki habang nasa P100 naman ang maliit.
Napako naman sa P100 ang presyo ng kada kilot ng tilapia habang nananatili rin sa P175 ang kada kilo ng baboy.
DA
Muli namang tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na suplay ng pagkain hanggang sa panahon ng tag-init o summer season.
Ito’y sa kabila ng paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa mga palengke tulad ng manok at isda.
Inihayag sa DWIZ ni Agriculture Undersecretary Jose Reaño, wala aniyang dahilan para tumaas ang presyo ng manok dahil batay sa kanilang imbentaryo, aabot sa 21 milyon ang suplay ng manok sa bansa.
Bukod dito, sinabi ni Reaño na mura na rin ang farm gate price ng manok kaya’t asahan na rin na magbabalik sa normal ang presyo nito na nasa P120 hanggang P125 ang kada kilo.
“Karaniwan po ito na ang tinatawag nating opportunistic time na masabi nila para ang halaga ay tumaas, pero kung titignan po natin kung pupunta tayo sa mga supermarket, makikita natin P120-P125 pa rin ang manok, medyo diskarteng hindi na maganda yun, ika nga meron nang konting pananamantala yung iba nating kapatid sa hanap-buhay, sana unawain naman nila na tayo ay mga Pilipino, dapat tayo’y magtulung-tulong lalo na sa ganitong panahon.” Pahayag ni Reaño.
By Jaymark Dagala | Cha Cha