Ilang araw bago mag-Undas, tumaas ang presyo ng mga bulaklak dahil sa pananalasa ng super bagyong Lawin.
Sinasabing sumirit ang presyo ng mga bulaklak mula sa Baguio at Benguet matapos masira ng bagyo ang mga taniman.
Bukod dito’y pahirapan din umano ang pagbiyahe sa mga bulaklak bunsod ng mga nasirang kalsada at mga landslide sa ilang lugar.
Ayon sa mga tindera sa Dangwa, Maynila, mahigit doble ang itinaas sa presyo ng ilang bulaklak.
Halimbawa, ang rosas na dating P100 kada dosena ay 250 pesos na ngayon.
Ang carnation ay 200 pesos mula sa dating 170 pesos habang 150 pesos na mula sa dating 120 pesos ang stargazer.
Ang casablanca naman ay 150 pesos na mula sa dating 120 pesos habang 150 pesos na rin ang sunflower na dati ay 80 pesos.
Inaasahang tataas pa ang presyo ng mga bulaklak habang papalapit ang Undas.
DTI on price freeze
Hindi dapat tumaas ang presyo ng kandila ngayong Undas.
Ito ayon sa DTI o Department of Trade and Industry ay dahil matatag ang supply ng kandila.
Sinabi ng DTI na nananatili ang price freeze sa mga kandila mula September hanggang November 3.
Kasabay nito, nanawagan ang DTI sa mga gumagawa ng kandila na damihan pa ang supply para na rin sa mga biktima ng bagyong Lawin na nakakaranas pa rin ng brownout.
By Jelbert Perdez | Judith Larino