Tumaas na rin ang presyo ng mga pampaingay sa ilang pamilihan dalawang araw bago ang pagsalubong ng bagong taon.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Marikina City, pumalo na sa 50 pesos hanggang 80 pesos ang kada isang piraso ng torotot depende sa klase at laki nito.
Sa Quezon City at Divisoria sa Maynila, naglalaro sa 100 hanggang 120 pesos ang kada tatlong piraso ng pinakamurang torotot na may single horn.
Mayroon ding 5-in-1 o trumpet horn na may limang layers na mabibili naman sa mahigit isangdaang piso kada isang piraso.
Samantala, tig-150 pesos naman ang bentahan para sa mas malaking torotot na may anim na layers kasama na rito ang air horn na hindi na kelangan ihipan.
Aminado naman ang mga nagtitinda ng torotot na tumaas ang presyo nito dahil tumaas din ang kanilang puhunan.