Mahigpit na binabantayan ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa Albay.
Ito ay kasunod ng kanilang pagpapatupad ng price freeze matapos isailalim sa state of calamity ang lalawigan dahil sa patuloy na pagdami ng evacuee bunsod ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa DTI, bukod sa pagsubaybay sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa buong lalawigan, kanila ding tinitiyak na may sapat na suplay ng pagkain at mga pangunahing kakailanganin ng residente.
Kabilang dito ang canned goods, laundry bar, detergent powder, kandila, tinapay, asin, bottled water at mga instant noodles.
Kasabay nito, muling ipinaalala ng DTI na dahil sa ipinatupad na price freeze sa lalawigan ay walang maaaring magsamantala at magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng animnapung (60) araw matapos ang deklarasyon ng state of calamity.