Dagsa na ang mga mamimili sa mga supermarket apat na araw bago ang pinakahihintay na Pasko.
Ito’y dahil sa ngayon lang nakalabas ng bahay ang maraming mamimili bunsod ng halos isang linggong pagbuhos ng ulan.
Mabenta ngayon ang hamon na naglalaro mula P135 hanggang P735 pesos ang kada kilo.
Nasa P195 hanggang P408 pesos naman ang presyo ng quezo de bola depende sa laki habang nasa P94 pesos ang kada tatlong kilo ng fruit cocktail.
Mabibili pa rin naman sa abot kayang halaga ang iba pang noche buena items tulad ng nata de coco, kaong, all purpose cream, pasta at tomato sauce.
Pagtitiyak naman ni Steven Cua, Pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarket Association o PAGASA, sapat ang suplay ng mga noche buena items kaya’t nananatiling matatag ang presyo nito.
Wala ring paggalaw sa presyo ng mga processed meat tulad ng hotdog at ham.
Presyo ng ilang pangunahing bilihin tumaas
Nagsimula na ring sumipa ang presyo ng ilang pangunahing bilihin sa mga pamilihan apat na araw bago ang Pasko.
Nasa P5 ang itinaas ng presyo ng baboy at manok habang nasa P10 hanggang P30 naman ang itinaas ng gulay sa ilang mga pamilihan sa Metro Manila.
Nasa P130 pesos na ang kada kilo ng manok mula sa dating P125 pesos sa kada kilo habang nasa P170 pesos naman kada kilo ibinebenta ngayon ang baboy mula sa dating P165 pesos sa kada kilo nito.
Sa presyo naman ng gulay, P90 na mabibili ang kada kilo ng patatas mulsa dating P60; P50 naman ang pechay baguio na dati’y nasa P40 lamang.
Nasa P120 na ang kada kilo ng cauliflower mula sa dating P80 pesos; P40 pesos naman ang sayote na dati’y P20.
Habang ang repolyo naman, nasa P80 ang kada kilo mula sa dating P60 at P100 na ngayon ang kada kilo ng talong mula P80.
Otsenta (P80) pesos naman ang itinaas sa presyo naman ng isda partikular na ang hasa-hasa na nasa P240 pesos ang kada kilo habang nasa P300 pesos na ngayon ang kada kilo ng lapu-lapu.
Katuwiran ng mga nagtitinda, nagmahal ang presyo ng gulay at isda dahil sa sama ng panahon nitong nagdaang linggo.
By Jaymark Dagala