Usap-usapan ngayon sa social media ang pagpapatigil ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pangongolekta ng libo-libong pass-through fees sa mga sasakyang may dala ng pagkain at kalakal.
Para kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, perfect timing ito.
Ano nga ba ang epekto ng aksyong ito ni Pangulong Marcos Jr. ngayong paparating na holiday season?
Inisyu ni Pangulong Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 41 noong September 25, 2023. Nagbabawal ito sa local government units (LGUs) na mangolekta ng kahit anong pass-through fees sa lahat ng sasakyang naghahatid ng mga produkto.
Simula September 28, bawal na mangolekta ang LGUs ng toll fees, market fees, entry fees, sticker fees, discharging fees, delivery fees, mayor’s permit fees, at iba pa na kadalasang umaabot mula 75 pesos hanggang 2,500 pesos kada truck.
Dahil sa aksyong ito ni Pangulong Marcos Jr., inaasahan ng DTI na bababa ang presyo ng pagkain ngayong pagsapit ng ber months. Perfect timing ito ngayong paparating na ang holiday season.
Ayon kay Secretary Pascual, tumataas ang gastos sa logistics o pag-transport ng mga produkto dahil sa pass-through fees. Naipapasa ang gastos na ito sa mga konsyumer sa pamamagitan ng mataas na presyo ng bilihin.
Ayon sa pag-aaral ng World Bank na inilabas noong nakaraang taon, 26% ng production cost ng mga produkto at serbisyo sa Pilipinas ay mula sa logistics. Mas mataas ito ng 15% kumpara sa ibang Asian countries.
Dahil sa gastos sa pass-through fees, nanghingi ng permission ang ilang retailers na pataasin ang suggested retail price (SRP). Pero imbes na pataasin pa lalo ang presyo ng bilihin, tinanggal na lang ni Pangulong Marcos Jr. ang pangongolekta ng toll fees at iba pa.
Pinasalamatan ng ilang food manufacturers gaya ng Canned Sardines Association of the Philippines ang Pangulo dahil dito.
Bukod sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, mapapabilis din nito ang delivery of goods. Sabi nga ni Secretary Pascual, fresh nang makakarating ang mga produkto from farms to markets.
Masasabing parehas na retailers at konsyumer ang makikinabang sa naging aksyon ni Pangulong Marcos Jr. na ipatigil ang pangongolekta ng pass-through fees. Ngayong ber months, asahan natin na mas magiging masaya ang holiday season dahil sa pagbaba ng mga presyo ng bilihin.