Malaki ang ibinaba ng presyo ng mga paputok, ilang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Sa Bocaue, Bulacan, naglalaro sa ₱650 hanggang ₱850 ang presyo ng sawa, habang ₱550 hanggang ₱900 ang presyo ng kwitis, at ang presyo naman ng fountain small ay nasa ₱20 hanggang ₱25.
Umaabot naman sa ₱1,250 pesos hanggang ₱1,600 pesos ang presyo ng kada labing anim na shot ng aeral fireworks, habang nasa ₱3,800 hanggang ₱4,500 pesos ang kada tatlumpu’t anim na shot nito.
Mas mababa ito ng 30% kumpara noong nakaraang taon.
Paliwanag ni Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association Incorporated President Lea Alapide, ito’y dahil sa sapat na supply ng mga chemical at raw materials na gamit sa paggawa ng paputok.
Dagdag pa ni PPMDAI President Alapide, unti-unti nang bumabalik ang sigla ng industriya ng paputok matapos ang pandemic at pagbabawal sa paggamit nito noong mga nakaraang taon.
Payo naman ng mga nagtitinda ng paputok sa Bocaue, Bulacan, agahan ang pagbili nito roon, dahil inaasahan nilang magmamahal ang presyo nito sa mga susunod na araw. - sa panulat ni Charles Laureta