Muling nagmahal ang puting asukal o primera sa mga palengke sa Metro Manila.
Batay sa monitoring ng Department of Agriculture, balik sa P98 hanggang P106 ang kada kilo ng primera sa Marikina Public Market habang P98 hanggang P105 sa mega Q-Mart sa Quezon City.
Inihayag naman ng kinatawan ng Sugar Board na nasa P38 hanggang P46 ang kada kilo ng millgate price ng raw sugar noong nakaraang panahon ng gilingan o milling season sa Crop Year 2021 hanggang 2022.
Gayunman, sumirit sa P60 ang kada kilo ng millgate price ng raw sugar sa Crop Year 2022 hanggang 2023.
Ipinaliwanag ni Mitzi Mangwag, board member ng Sugar Board Millers Representative, na ang pagtaas ng presyo ay bunsod ng mataas na production cost, partikular ang mahal na krudo.
Una nang tiniyak ng Sugar Regulatory Administration na sa Nobyembre pa magsisimulang bumaba ang presyo ng asukal dahil sa ganitong panahon ay fully operational na ang mas malalaking mills sa Negros.