Magtataas ng presyo ang ilang de lata ng sardinas at karne simula sa October 15 dahil sa paghina ng Piso kontra Dolyar.
Ayon kay Onjie Cruz , Pangulo ng Canned Sardines Association of the Philippines, tataas ng 50 centavo ang kada de lata ng sardinas at posibleng madagdagan pa ito ng hanggang Piso pagdating ng holiday season.
Paliwanag ni Cruz , dapat ay mas mataas pa sa 50 centavo ang taas presyo dahil 2012 pa aniya nuong huling gumalaw ang presyo ng sardinas.
Samantala , magtataas din ng lagpas sa dalawang piso kada de lata ang ilang branded ng canned meat.
Ani Cruz , isa pa sa dahilan ng nasabing paggalaw sa presyo ng mga de lata ay ang pagmahal ng langis at kuryente.
Nangako naman ang mga manufacturer ng sardinas na sisikapin nilang mapako ang presyo ng mga de lata upang hindi maging pasakit sa masa.