Bumaba ang presyo ng kada kilo ng sibuyas sa ilang pamilihan sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Matatandaang kamakailan, pumalo sa P600 hanggang P700 ang kada kilo ng sibuyas na nagpahirap sa mga pilipino partikular na sa mga magsasaka dahil ginto ang halaga nito sa merkado.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Marikina City Public Market, naglalaro sa P230 hanggang P250 ang kada kilo ng pulang sibuyas.
Nasa P350 naman ang halaga nito sa Balintawak market sa Quezon City habang aabot naman sa P280 hanggang P350 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas sa Pasig City Public Market.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), naglalaro sa halagang P400 hanggang P500 ang kada kilo ng sibuyas.
Ayon sa Samahang Industrya ng Agrikultura (Sinag), ang tuluyang pagbaba ng presyo ng sibuyas sa merkado ay dahil sa pag-ani ng mga magsasaka sa mga probinsya.
Dahil dito, umaasa ang ilang vegetable vendor, na patuloy pang gaganda ang bentahan ng sibuyas at babalik na rin ang kanilang mga suki.
Matatandaang, inanunsyo ng da na ang pag-aangkat ng mahigit 21,000 metric tons ng sibuyas, ang solusyon para mapababa ang presyo nito na malaking tulong sa mga pilipino.