Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na babalik sa dating P100 ang presyo ng kada kilo ang bentahan ng pulang sibuyas sa loob ng isang linggo.
Ito ay kasunod ng inaasahang pagdating ng mahigit 34,000 metriko toneladang sibuyas na inangkat ng Pilipinas mula sa ibang bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary for Operations Ariel Cayanan, sasapat lamang sa dalawang buwang suplay ang pinayagang angkating sibuyas ng ahensya para matugunan ang kakapusan sa suplay nito sa mga pamilihan.
Magugunita na nitong nakalipas na holiday season, halos kapresyo na ng isang kilo ng baboy ang kada kilo ng pulang sibuyas na pumapalo ng hanggang sa P200.
Aminado si Usec. Cayanan na hindi naging sapat ang produksyon ng pulang sibuyas nitong nakalipas na panahon ng anihan.
Pero tiniyak ng opisyal na pagsapit ng buwan ng Marso ay mayroon nang sapat na suplay ng sibuyas sa bansa dahil mag-aani na ang lokal na mga magsasaka mula sa Nueva Ecija, Tarlac, Pangasinan, Iloilo at Mindoro.