Nagkaroon ng pagtaas ng presyo ng gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa Marikina Public Market, pumapalo na sa P550 ang kada kilo ng siling labuyo at siling haba, na dati ay pumapatak lamang sa P80 hanggang P100 kada kilo.
Nagmahal din ang ilan pang mga gulay sa kaparehong pamilihan:
- ampalaya –mula sa dating P80/kilo ay naging P180/kilo na
- repolyo at petsay –mula sa dating P60/kilo ay naging P120/kilo na
- patatas at talong –ngayo’y nasa P110/kilo
Ayon sa mga tindera sa Marikina Public Market, hindi sapat ang suplay ng gulay kaya’t tumataas ang presyo ng mga ito.
Samantala, nasa P400 kada kilo naman ang siling labuyo sa Balintawak Market, na dati’y nasa P80 hanggang P100 kada kilo lamang.
Nagmahal din ang mga tindang gulay sa Balintawak Market:
- siling pansigang –mula sa dating P60 hanggang P80/kilo ay P500/kilo na
- carrots –mula sa dating P40 hanggang P50/kilo ay P120/kilo na
- sayote –mula sa dating P20/kilo ay P50/kilo na
- kangkong –mula sa dating P5/bundle ay naging P10/bundle na
- patatas –mula sa dating P40/kilo ay P60/kilo na
- calamansi –mula sa dating P30/kilo ay P40/kilo na
Magugunitang maraming mga sakahan at pananim sa Central at Northern Luzon na pinanggagalingan ng mga suplay ng gulay ang sinalanta ng mga nagdaang Bagyong Rolly at Ulysses.