Tiniyak ng mga mag-ti-tinapay na hindi magtataas ang presyo ng pinoy pandesal at pinoy tasty hanggang sa katapusan ng taon kahit hindi mapigil ang pagmahal ng ibang tinapay sa gitna ng tumataas na presyo ng ingredients.
Ayon kay Philippine Baking Industry Group President Johnlu Koa, mananatili sa P35 ang kada loaf ng tasty habang P21.50 ang kada bag ng 10 pirasong pandesal, pero hindi liliit ang mga ito.
Ito rin ang pangako ng grupo ni Lucito Chavez, dating vice president at spokesman ng Philippine Federation of Bakers Association bilang commitment sa Department of Trade and Industry.
Gayunman, nilinaw ni Chavez na makikipag-negosasyon sila sa presyo ng tinapay matapos ang taon dahil sa tumataas na gastos sa paggawa.
Bukod sa harina, kabilang din anila sa mga tumaas ang l.p.g. At rental cost kaya’t kailangan din nilang itaas ang presyo ng kanilang produkto upang manatiling buhay ang kani-kanilang negosyo.
Samantala, para naman sa ilang community bakers, posibleng magtaas ang presyo ng iba nilang tinapay tulad ng monay, spanish bread at loaf bread. —sa panulat ni Drew Nacino