Tumaas ang presyo ng tilapia at bangus sa ilang pamilihan sa Metro Manila bunsod ng patuloy na pag-alboroto ng Bulkang Taal.
Mahigit P10 kada kilo ang itinaas ng tilapia na mula sa Batangas habang P20 naman sa kada kilo ng bangus.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), walang basehan ang pagtaas ng presyo ng mga isda galing Batangas.
Sinabi ni Sammy Malvas, Direktor ng BFAR sa CALABARZON, hindi dapat gumalaw ang presyo ng mga isda dahil base sa kanilang report ay hindi nagkukulang ang suplay at hindi naaantala ang pag-transport at hindi rin naaantala ang pag-harvest.
Hiniling ng regional BFAR sa mga supplier na hindi dapat samantalahin ang nangyayaring sitwasyon sa Bulkang Taal.
Sa ngayon, patuloy na minomonitor ng BFAR ang water quality sa Taal Lake upang masiguro na hindi ito panganib sa mga isda.
Sakaling lumala pa ang sitwasyon sa Taal at bumaba pa sa 5 parts per million ang dissolved oxygen sa tubig, maga-abiso ang BFAR sa mga fish cage operators na mag-matiyag.