Kinumpirma ng grupong Philippine Baking Industry Group o Philbaking na magpapatupad ang mga panadero ng tapyas presyo sa tinapay.
Singkuwenta sentimos (P0.50) kada loaf ng Pinoy Tasty habang P0.25 naman ang bawas presyo sa kada pack ng Pinoy Pandesal na may 10 piraso.
Ayon kay Philbaking President Nestor Constancia, gumawa silang paraan para maibaba ang presyo ng tinapay sa pamamagitan ng paghahalo ng imported sa lokal na harina.
“Magbe-blend kami ngayon ng mas murang imported flour sa harinang ginagamit namin para mas makamura kami sa aming formulation na hindi naman bababa ang antas ng tinapay, magagawa namin yun kaya, makaka-afford kaming magbaba ng presyo.” Ani Constancia.
Mga panadero, nagsalita na hinggil sa hindi bumababang presyo ng tinapay
Nakiisa na ang mga panadero sa panawagan ng Department of Trade and Industry o DTI sa mga flour millers na ibaba sa P100 hanggang P200 ang kada sako ng harina.
Ito’y ayon sa grupong Philippine Baking Industry Group o Philbaking ang tanging paraan para maibaba na rin nila ang presyo ng itinitinda nilang tinapay.
Sa panayam ng DWIZ kay Nestor Constancia, Pangulo ng grupo, ang Pilipinas lamang ang may pinakamahal na harina kumpara sa iba pang bansa sa timog silangang Asya tulad ng Malaysia, Singapore, Vietnam at Thailand.
“Kailangan maibaba pa nila ang presyo ng harina, ‘pag binaba yan susunod ang pagbaba ng presyo ng tinapay, eh matutuwa ang mga consumers natin niyan.” Pahayag ni Constancia.
Magugunitang nagbanta ang DTI sa mga flour millers at panadero na sasampahan nila ng kaso kapag napatunayan ang kanilang hinala na may sabwatan sa pagitan ng dalawa dahil sa hindi pagbababa ng presyo ng kanilang produkto.
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita