Bagsak presyo ang mga bulaklak na ibinebenta sa Baguio at Benguet dahil sa mababang demand magmula kahapon, bisperas ng Undas.
Batay sa naging monitoring ng DWIZ, naglalaro mula 60 hanggang 70 Piso ang presyo ng kada bundle ng Malaysian Mums, nasa 20 hanggang 25 Pesos ang kada bundle ng Alstroemeria.
Habang nasa 90 hanggang 100 Piso naman ang kada bundle ng Chrysanthemums at nasa 50 Piso naman ang kada bundle ng Aster.
Kabaliktaran naman ito ng presyuhan ng bulaklak sa Metro Manila kahapon partikular na sa Dangwa flower market sa bahagi ng Sampaloc.
Trenta hanggang 40 pesos ang itinaas ng kada dosena ng Rosas na nasa 250 Pesos mula sa dating 150 Pesos habang ang Carnation naman na nasa 180 Pesos mula sa dating 140 Pesos.
Ang Orchids naman ay pumalo sa 500 mula sa dating 400 Piso kada bundle habang nasa 200 Piso ang kada bundle ng Chrysanthemums mula sa dating 180 Piso.
Gayunman, asahan na rin na babagsak ang presyo ng mga bulaklak ngayong mismong araw ng Undas hanggang bukas, araw ng mga yumao.