Nilinaw ni Sr. Supt. Bartolome Tobias, tagapagsalita ng Pambansang Pulisya, na sa Hunyo 10, Miyerkules, pa babalik si dating PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima.
Ayon kay Tobias, kasama ni Purisima sa pagbabalik sa serbisyo, bilang pulis, ang 9 na iba pa, na kasama niya sa kaso.
Ipinaliwanag din ni Tobias na tanging ang posisyon lang ang nawala kay Purisima, pero mananatili pa din siyang isang pulis at director general.
“Posisyon lang po kung saan siya nag-resign, yung pagiging Chief PNP, pero as a member of the PNP, hindi pa po siya nagre-retire, dito po muna siya sa Personal Holding and Accounting Unit natin under control ng Headquarters Support Service po.” Ani Tobias.
After Mamasapano
Naniniwala naman si Tobias, na hindi makakaapekto sa PNP, ang pagbabalik ni Dir. Gen. Alan Purisima sa serbisyo.
Sinabi ni Tobias na ito ay dahil bagamat si Purisima ang naituturo sa Mamasapano massacre, wala naman na sa puwesto ang dating PNP Chief.
“Hindi naman po generally, tuluy-tuloy naman po ang PNP na gawin at ipatupad ang kanyang mandato, wala naman po siya sa posisyon as a Chief ng PNP, meron na po tayong Officer in Charge na sa function at sa power ay parang Chief PNP na din po.” Paliwanag ni Tobias.
Preventive suspension, tapos na ngayong araw
Tapos na ngayong araw na ito ang 6 na buwang preventive suspension ng Ombudsman kay resigned Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, nakatakda nilang ilabas ang resulta ng imbestigasyon sa reklamong graft kay Purisima bagamat uubra naman itong bumalik sa serbisyo sakaling hindi pa naipalabas ang nasabing resulta.
Nilinaw naman ni PNP-OIC Leonardo Espina na bukas pa, June 5 ang pagbabalik ni Purisima bilang pulis.
Balik duty na rin ang iba pang opisyal na kasamang sinuspinde ni Purisima dahil sa kwestyonableng kontrata sa courier service na pinasok ng PNP noong 2011.
Gayunman, sinabi ni Espina na sa police holding and accounting unit muna ang mga ito habang pinag-aaralan pa kung saan itatalaga ang mga ito.
By Katrina Valle | Judith Larino | Ratsada Balita