Isinusulong sa Senado ang pag-regulate sa pribadong paggamit ng Remotely Piloted Aircraft System o drone upang matiyak na hindi ito magagamit sa iligal na aktibidad.
Sa Senate Bill 1777 o Drone Regularization Act ni Sen. Raffy Tulfo, inilalarawan ang drone bilang isang ‘robotic device’ na maaaring maging ‘space hazard’ at magdulot ng panganib kapag nagamit sa maling paraan.
Pinapayagan sa ilalim ng bill ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP na i-classify ang mga drones, ito man ay ginagamit sa pribado, commercial, profession at hobbyist use.
Batay sa mga kasalukuyang tuntunin, ang mga drone na higit pitong kilograms o 15 pounds ay kailangang kumuha ng CAAP certificate.
Ngunit sa bill naman ni Tulfo, ang mga unregistered drone na ginagamit sa commercial purposes ay maaaring kumpiskahin at papatawan ng hindi bababa sa P50,000 at hindi hihigit sa P100,000.
Maliban dito, may katapat ding multa ang anumang paglabag sa general safety regulations at restrictions sa paggamit ng drone.