Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu City ang pagpapatupad ng price ceiling sa mga bilihin matapos tumaas ang presyo ng mga ito kasunod ng pananalasa ng bagyong Odette.
Maliban dito, paiiralin din ang city-wide curfew na mula alas-9 ng gabi hanggang alas-3 ng madaling araw.
Ayon sa Lapu-Lapu City LGU, exempted sa curfew ang mga pharmacies, medical facilities, night shift workers, health frontliners, at mga drayber ng pampublikong sasakyan.
Ipinagbabawal rin sa siyudad ang pagbili at pagbebenta ng electrical wires, transformers, bronze o mga copper, at iba pang electrical items sa mga junkshop at iba pang mga establisyemento.
Kasunod ito ng mga insidente ng nakawan sa mga bahay-bahay at maging ang pagnanakaw ng electrical wires sa mga poste ng kuryente.
Kaugnay nito, inatasan na ang mga pulis doon na mahigpit na bantayan ang mga establisyemento.