Pinag-aaralan na ng Department of Agriculture (DA) ang paglalagay ng price ceiling o limitasyon sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa gitna na rin ito ng pagtaas sa presyo ng baboy at manok habang patuloy na nahaharap sa krisis dulot ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Ernesto Gonzales, tumaas ang presyo ng baboy dahil sa kakulangan ng suplay bunsod ng epekto ng pagtama ng African Swine Fever sa mga babuyan.
Samantala, tumaas naman ang demand sa manok kaya tumaas rin ang presyo nito.
Sinabi ni Gonzales, dapat naglalaro lamang sa P330 hanggang P350 ang kada kilo ng karne ng baboy at hindi dapat umabot sa P400.
Sobra aniya ang patong ng mga traders dahil nasa P230 hanggang P250 kada kilo lamang ang kasalukuyang farm gate price ng baboy.
Dagdag ni Gonzales, dapat nasa P160 kada kilo lamang ang presyo ng manok at hindi dapat umabot sa P180 hanggang P200 na kasalukuyang presyo nito sa mga pamilihan.